Ngayong Huwebes, Mayo 29, 2025, isinagawa ang 3rd Coordination Meeting para sa nalalapit na pagdaraos ng 6th Enhanced Justice on Wheels – Cotabato Legal Access Program (EJOW-CLAP) sa lalawigan ng Cotabato. Ito ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng pamunuan ni Gov. Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza na mapabilis ang paglilitis ng mga kaso sa probinsya, katuwang ang iba’t ibang tanggapan ng kapitolyo at mga ahensya ng gobyerno, upang makapaghatid ng agarang hustisya at legal na tulong sa mga mamamayan.
Tinalakay sa pagpupulong ang pagsasapinal ng mga miyembro ng mga komitiba, gayundin ng mga paksa, tagapagsalita, at mga kalahok para sa mga pangunahing aktibidad ng programa. Sentro rin dito ang pagsasapinal ng request letter sa Korte Suprema para sa opisyal na pakikilahok ng mga korte sa EJOW-CLAP, at ang koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) XII hinggil sa tamang proseso ng drug exhibit destruction. Ito ay upang matiyak ang maayos at makabuluhang pagpapatupad ng programa sa lalawigan.
Ang pagpupulong ay isinagawa sa Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City sa pangangasiwa ng Provincial Legal Office na dinaluhan nina 6TH EJOW-CLAP Chairperson at Provincial Advisory Council Member Former Judge Lily Lydia A. Laquindanum, Vice-Chairpersons Executive Judge Jose T. Tabosares, Executive Judge Rainera P. Osua, at Executive Judge Jocelyn Alibang Salud, at PDEA XII Regional Director Benjamin C. Recites III. Naroon din ang judges ng iba’t ibang regional at municipal trial courts, at municipal circuit trial courts ng probinsya, mga kinatawan mula sa Provincial Prosecutor’s Office, Kidapawan City Prosecutor’s Office, Public Attorneys ng tatlong PAO District Offices at iba pang panauhin.//idcd-pgo-bellosillo/ Photoby: HBellosillo&PLO